Babes; Maraming Salamat!
February 20, 2018
10 years ago binago mo buhay ko. Napaniwala mo ako na di lahat ng maitim masama at nakakatakot. Nang una kitang makita napasaya mo na ako ng sobra. Marami tayo adventures kahit nasa bahay lang tayo madalas. Ikaw ang unang baby namin ni Arah, ang nagiisang ate ni Hennessy at JD. Sayang nga lang hindi pa kayo nagkikita ni JD. Hindi mo na nahintay yung pagkakataon na makilala ang makulit at cute na si JD, sigurado ako magugustuhan mo siya.
Tanda ko pa yung unang road trip nating dalawa, joy ride from Laguna to Pasay, kabado akong hawak hawak ang bayong, kung saan ka nakalagay, kasi ang likot mo at gusto mong nakalabas ang ulo mo at sumisilip sa bintana. Natatakot ako na baka tumalon ka sa bintana pero ikaw enjoy ka lang. Gustong gusto mo na humahampas yung hangin sa mukha mo at sa dila mong nakalaylay habang naliligo naman ako sa laway mo na may kabahoan na ng kaunti pero laban lang basta makauwi tayong masaya at ligtas.
Gusto mo rin ang flip flops na Havaianas. Tanda ko pa ng nginatngat mo at pinigtas yung pinakaunang mamahaling tsinelas na naisuot ko. Walang pang isang linggo kung ginagamit ginawa mo nang hasaan ng ngipin mo. Magagalit sana ako pero nang magtagpo ang mga mata natin, nakita kong ang saya saya mo at mukang proud ka pa sa ginawa mo. Natawa na lang ako at pinisil pisil ang mukha mo. Masaya akong katabi ka matulog. ang sarap mong yakapin at lagi ka pang may good night kiss sakin. Gustong gusto mong idantay ang ulo mo sa unan ko madalas nga sa pag gising ko ikaw na lang ang nakaunan.
Alam kong nalungkot ka ng umalis ako patungong Singapore. Kung pede lang makipagskype sayo gagawin ko kaso madilim ang bahay at di pa uso noon ang HD di ka talaga makikita. Matagal man ako nawala pero pinatunayan mo na hinihintay mo yung pagbabalik ko. Halos mabaliw ka ng makita mo ako ulet. Sumampa ka sa lamesa at nagpaikot ikot ka dun na para bang sinasabi mong habulin kita. Simula noon palagi na ulet tayo magkatabi matulog. Dumating yung panahon na kinailangan ulet natin magkahiwalay dahil bawal ang mga alaga sa bago naming bahay. Hindi kasi nila maintindihan na parte ka ng pamilya. Sorry ha hindi ka na namin naalagaan ng mabuti. Hindi ka namin nakalimutan. Pinaplano pa namin ang reunion natin this year at kami na sana magaalaga sayo... di na nga lang tayo umabot sa panahong yun. Mahal na mahal ka namin. Sana masaya ka na diyan sa doggie heaven. Uulitin ko mahal na mahal na mahal ka namin. Maraming salamat babes...
0 comments